Pinoy Ghost Stories: BACKPACK
Lahat naman siguro ng medical school ay may sari-sariling kwento kung multo ang pag-uusapan. Ito ay isa sa mga kwentong narinig ko mula sa isang doctor na nagbabantay sa grupo namin. Bigyan natin ng pangalang “Mark” ang lalaking nasa kwentong to.
Si Mark ay bagong laboratory technician sa Histology lab namin. Ilang araw pa lang siya nagtatrabaho at nagkaroon na agad siya ng isang nakakakilabot na karanasan. Mag-alas otso na ng gabi nang pauwi na si Mark. Naisipan niyang dumaan sa isang mas mabilis na daanan sa isang madilim na eskinita. Dala-dala niya ang kanyang backpack na nakakapit sa kanyang balikat. Habang naglalakad, naramdaman niyang may kumakalabit sa likod niya. Lumingon siya agad sa pag-aaklang magnanakaw ito na bumubukas na ng bag niya. Alam naman natin na laganap ang nakawan sa madidilim na lugar. Sa pagtalikod niya, wala siyang nakita kundi ang tahimik na daan sa likod niya. Siyempre nagtaka siya pero pinabayaan na lang niya ito at nagpatuloy sa paglalakad.
Malapit na siya sa lusutan kung saan ang mga jeep. Ilang hakbang na lang at biglang bumigat ang bag niya. Di na niya ito pinansin dahil siguro sa pagod sa trabaho kaya’t di na niya pinansin ang bigat na dinadala ng balikat niya. Narating na niya ang kalsada at may nakita siyang lalaki na bigla na lang tinuturo siya at sumisigaw. Nagtataka siya kung bakit siya tinuturo. Kinilabutan siya kasi mukhang takot na takot ang lalaking iyon sa kanya. Di naman sila magkakakilala. Nagmadaling maglakad ang lalaking yun palayo sa kanya. Siyempre ito si Mark medyo hinabol ang lalaki. Sino ba naman hindi magtataka kapag nangyari sa inyo yun?
Naabutan ni Mark ang lalaking iyon. Tinanong niya kung bakit siya pinagtuturo at bat ganun ang reaksyon niya nung makita niya si Mark. Kinuwento ng lalaki ang nakita ng kanyang dalawang mata. Sabi niya, may batang naka-angkas sa balikat ni Mark. Akala niya anak niya to pero nang makita ng lalaki na walang mukha ang batang iyon, kinilabutan na siya at sumigaw. Siguradong multo yun. Tumindig lahat ng balahibo ni Mark. Malamang.
Sumunod na araw, nilinis ni Mark ang mga garapon ng mga fetus sa lab. May isang fetus na nakatago. Ito ay di hamak nasa ilalim lang ng kanyang mesa. Ngayon ang fetus nay un ay nilagay na sa isang pwesto kung saan nakikita rin ito ng mga taong pumapasok sa lab. Sa palagay namin, ito yung batang naka-angkas sa balikat niya na humihingi lang ng konteng pansin.
Ayaw ng mga kaluluwa na kalimutan natin sila kaya sila nagpaparamdam. Hindi lang tao ang papansin, mga multo rin!
Advance Happy Halloween! At huwag natin kalimutan bisitahin ang mga pumanaw nating mga kamag-anak sa Araw ng Patay. Malay natin, bisitahin tayo at magparamdam. Sige ka!
(Source: keevolution)
